Pinaiigting ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang pagbabantay at pagpapatupad ng batas laban sa mga magsasamantala sa panahon ng El Niño.
Ito’y sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga mapanlinlang na pahayag gayundin ng mga pekeng alok na may kaugnayan sa mga water purification system.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., inatasan na niya ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) na paigtingin ang pagmamanman sa mga online scam na may kaugnayan sa water purification products para sa proteksiyon ng mga Pilipino.
Ipinag-utos ito ng PNP chief kasunod ng ulat ng Office of Civil Defense (OCD) na nakikipag-ugnayan ito sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan hinggil sa mga espekulasyong umiikot online tungkol sa kakulangan ng tubig at mga produktong panglinis ng tubig.
Ayon sa OCD, umabot na sa 451,889 indibidwal o 121,185 pamilya sa 1,019 barangay sa anim na rehiyon ang naapektuhan ng El Niño.
Kabilang sa mga paghahanda ng pamahalaan ang pagpaposisyon ng mga water lorry at pagtukoy ng mga alternatibong mapagkukunan ng maiinom na tubig at irigasyon upang matulungan ang mga komunidad na makayanan ang matagal na tagtuyot.
Bilang tugon, inatasan din ni Nartatez ang mga police regional office at local police unit na makipag-ugnayan sa Department of Trade and Industry (DTI), mga lokal na pamahalaan, at iba pang ahensiya sa pagberipika ng mga reklamo kaugnay ng water hoarding, profiteering, at panlilinlang sa mga mamimili.