Isinagawa ng Commission on Elections (COMELEC) ang isang simulation exercise o SIMEX bilang paghahanda sa gaganaping Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM Parliamentary Elections sa Setyembre 14.
Isinagawa ang simulation sa Cotabato City Institute sa Cotabato City at sa apat na voting centers sa bayan ng Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Layunin nitong subukan ang buong proseso ng automated election system, mula sa pagboto, pagbibilang ng mga boto, hanggang sa electronic transmission ng resulta.
Nakiisa rin ang National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) bilang election observer upang masubaybayan ang isinagawang simulation at matiyak ang transparency ng proseso.
Ayon sa COMELEC, mahalagang bahagi ang simulation exercise upang matukoy at maresolba ang anumang posibleng isyu bago ang aktuwal na BARMM Parliamentary Elections bilang paghahanda para sa halalan sa Setyembre.