Umabot sa 132 na pasaway na negosyo sa buong bansa ang pansamantalang ipinasara ng Bureau of Internal Revenue (BIR) nitong Martes sa paglulunsad ng kanilang Nationwide “Oplan Kandado” 2026.
Target ng malawakang operasyon ang nasa 419 na kaso ng mga negosyo na may tinatayang P742.1 milyong halaga ng hindi nabayarang buwis, base na rin sa ipinadalang five-day VAT compliance notices sa mga ito.
Sinubaybayan ang buong operasyon mula sa National Command Center sa Revenue Region No. 7A sa Quezon City, kung saan nag-ulat ang iba’t ibang rehiyon tungkol sa kanilang mga isinagawang pagsasara nitong umaga.
Tulong muna bago parusa
Ayon sa BIR, isinagawa ang sabay-sabay na operasyon sa ilalim ng gabay na “Assistance First to Comply. Enforcement Only When Necessary” (Tulong muna para sumunod. Pagpapatupad ng batas kung kinakailangan lang).
Marami namang negosyante ang nakaligtas sa pagpapasara matapos silang humabol na magparehistro ng kanilang negosyo, magsumite ng mga kinakailangang tax returns, at bayaran ang kanilang mga obligasyon bago pa man mailabas ang opisyal na closure order.
Binigyang-diin ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza na ang pansamantalang pagpapadlock ay ang pinakahuling hakbang na ginagawa ng ahensya. Ginagawa lang ito kapag nabigyan na ng sapat na pagkakataon at tulong ang mga taxpayer ngunit tumanggi pa ring sumunod.
“Ang bawat pagpapasara na isinagawa ngayong araw ay nangyari lamang matapos mag-abot ng tulong ang Kawanihan, matapos ipaliwanag ang obligasyon ng taxpayer, at matapos magbigay ng bawat makatwirang pagkakataon para sumunod. Doon lamang sa mga nabigo ang mga pagsisikap na iyon nagiging kinakailangan ang pagpapatupad ng batas,” pahayag ni Mendoza.
Alinsunod sa utos ng Pangulo
Ipinaliwanag ng komisyoner na ang ganitong estratehiya ay tugon sa utos ng pambansang pamunuan na pabilisin at gawing mas simple ang pangongolekta ng buwis.
“Gawing mas maayos ang serbisyo ng gobyerno. Iyan ang malinaw na direksyon at utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at iyan ang ginagawa natin sa ilalim ng BIR DARES,” dagdag pa niya.
Bago ang operasyon, naglatag na ng pundasyon ang BIR noong nakaraang Pebrero sa pamamagitan ng C.H.A.T. Drive (Counsel, Help, and Assist Taxpayers). Sa ilalim nito, personal na binisita ng mga regional at district offices ang mga establisyimento upang gabayan at hikayatin ang mga ito na magkusang magbayad ng tamang buwis.
Sa ilalim ng umiiral na patakaran, dumaan sa mahigpit na surveillance, validation, at pagpapadala ng mga statutory notices ang mga lumabag bago sila ipasara. Binibigyan sila ng panahong ayusin ang kanilang mga kakulangan, mag-isyu ng tamang resibo, at magbayad ng utang sa buwis.
Online businesses, target na rin
Babala ni Mendoza, sakop na rin ngayon ng Oplan Kandado ang mga online businesses. Inaasahan din silang magparehistro, mag-isyu ng invoices, at magbayad ng tamang buwis tulad ng mga pisikal na tindahan.
Maaaring patawan ng “online takedown mechanisms” o pagpapasara ng mga digital store at website ang mga online sellers na mapapatunayang sadyang lumalabag sa batas.
Mananatiling aktibo ang Oplan Kandado sa buong taon sa lahat ng revenue regions at district offices sa buong Pilipinas upang masiguro ang patas na kompetisyon sa merkado, pisikal man o digital.