Arestado ng mga tauhan ng PNP Anti-Kidnapping Group ang tatlong suspek sa umano’y pagdukot at pagpatay kay dating Abuyog, Leyte Vice Mayor James Bohol at anak nito.
Kinilala ang mga suspek na sina Kim Taboy Solayao, Reniel Galza at Mark James Generales Taboy, na pawang mga residente ng Basey, Samar.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame, sinabi ni PNP-AKG Director, PBGen. Edwin Balles, naaresto nila katuwang ang Police Regional Office 8 ang tatlong suspek dakong alas-9 kagabi, June 30 sa Pasay City.
Unang napaulat na nawawala ang mag-amang Bohol sa Mayorga, Leyte at natagpuan ang kanilang mga bangkay sa isang bangin sa Barangay Imelda, Silago, Southern Leyte makalipas ang ilang araw.
Ayon kay Balles, pinagplanuhan ng tatlong naarestong suspek ang pagdukot at pagpatay kay Vice Mayor Bohol at sa anak nito batay na rin sa pag-amin nila sa isinagawang interogasyon.
Sa paunang pag-amin ng mga suspek, sinabi nilang paulit-ulit na pinukpok ng matigas na bagay, na pinaniniwalaang dumbbell ang mga biktima bago pa umano pinagsasaksak.
Utang ang itinuturong ugat ng krimen na may kaugnayan sa negosyong cooking oil ng biktima, bagama’t patuloy pa ring inaalam ng mga awtoridad ang eksaktong motibo at kung bakit nadamay ang anak ng dating vice mayor sa krimen.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng AKG ang tatlong suspek habang isinasailalim sa inisyal na proseso bago ilipat sa kustodiya ng Police Regional Office 8 para sa karagdagang imbestigasyon at mahaharap sa kasong two counts of murder.