Nagpahayag ng pasasalamat si Banguingui, Mayor Whidzfar Sahidulla kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa mga programang ipinagkaloob ng pambansang pamahalaan sa kanilang bayan, kabilang ang pamamahagi ng bigas sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF) at ang Presidential Scholarship sa ilalim ng Socio-Civic Development Program.

Ayon kay Mayor Sahidulla, malaking tulong ang mga naturang programa upang mapabuti ang kalagayan ng mga residente ng Banguingui, lalo na sa usapin ng seguridad sa pagkain at edukasyon.
Sinabi ng alkalde na ang scholarship program ay magbibigay ng pagkakataon sa mga kabataan na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at makamit ang kanilang mga pangarap sa kabila ng mga hamon sa buhay.
Ipinaliwanag din niya na ang bawat barangay ang siyang mamamahala sa pagpili ng limang benepisyaryo para sa Presidential Scholarship. Aniya, mahalagang matiyak na ang mga mapipili ay tunay na karapat-dapat at higit na nangangailangan ng tulong.
Samantala, sinabi ni Mayor Sahidulla na mahigit 1,400 benepisyaryo sa Banguingui ang inaasahang makatatanggap ng sako ng bigas sa ilalim ng programang LGSF, na inaasahang makatutulong sa pagtugon sa pangangailangan ng mga pamilyang higit na nangangailangan.