Photo courtesy of ORD-PRO6
Isang armas ang narekober ng mga pulis mula sa bag ng Grade 10 student sa loob ng paaralan sa Barotac Nuevo, Iloilo.
Batay sa ulat ng Police Regional Office 6 (PRO6), matapos madiskubre ng mga school personnel agad itong iniulat sa kapulisan kung saan agad namang rumesponde ang Barotac Nuevo Municipal Police Station sa paaralan.
Na-recover ng kapulisan ang .38 caliber revolver na may anim na bala.
Ang 15-anyos na estudyante ay isinailalim sa child-sensitive intervention process at itinurn-over sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa kaukulang interbensyon.
Ayon kay PRO-6 Director BGen. Randulf Tuaño, ipinapakita ng insidente ang kahalagahan ng maagap na koordinasyon ng mga paaralan at mga otoridad sa pagpapanatili ng kaligtasan at seguridad sa loob ng mga paaralan.
Pinaalalahanan din ng opisyal ang mga magulang at guardian na manatiling aktibo sa paggabay sa kanilang mga anak at hinikayat ang buong komunidad na patuloy na suportahan ang mga programa para sa kaligtasan sa mga paaralan.