Tiniyak ng Manila Water na magpapatuloy ang 24/7 water supply sa mga customer nito sa East Zone kahit patuloy ang epekto ng El Niño at nabawasan ang alokasyon nito mula sa Angat Dam.
Ayon sa kumpanya, dahil umabot na sa critical level ang water elevation sa Angat dam, ibinaba ng National Water Resources Board (NWRB) ang allocation sa 48cubic meters per second (CMS) mula sa dating 52 CMS.
Sa kabila nito, mananatili umanong normal ang suplay at water pressure dahil sa alternative water sources nito na nakabawas sa pagdepende sa Angat Dam.
Kabilang sa mga karagdagang pinagkukunan ng tubig ang Upper Wawa Dam at Tayabasan Weir, na may kakayahang magbigay ng hanggang 710 million liters per day, gayundin ang Calawis Water Supply System Phase 1 na nagdadagdag ng hanggang 80 million liters per day.
Ayon sa Manila Water, dahil dito, hindi inaasahan ang rotational water interruptions o water rationing sa kanilang service area.