Photo courtesy of QCPD/QC TTMD
Maagang idineploy ng Quezon City Police District (QCPD) at Quezon City Traffic and Transport Management Department (TTMD) ang mga police personnel at traffic enforcer sa paligid ng People Power Monument at EDSA Shrine, para tutukan ang sitwasyon at trapiko sa ikalawang araw ng pagtitipon ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC).
Pasado alas-3 ng madaling araw, nagsagawa ng accounting at inspection ang mga opisyal ng QCPD sa mga naka-deploy na tauhan para tiyakin ang pagpapatupad ng maximum tolerance, disiplina, at propesyonalismo sa panahon ng aktibidad.
Sa lagay naman ng trapiko, pansamantalang sarado pa rin ang EDSA Ortigas Service Road (Northbound) at White Plains Avenue (Eastbound at Westbound).
Moderate to slow moving naman ang trapiko sa EDSA Southbound mula EDSA Camp Crame hanggang EDSA White Plains, gayundin sa EDSA Northbound mula EDSA Ortigas hanggang EDSA White Plains.
Patuloy naman ang panawagan ng QC TTMD sa mga motorista na magpasensya at makipagtulungan sa mga traffic enforcer para mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa lugar.
Pinapayuhan din ang mga rallyista na iwasang pumarada sa tabi ng mga barrier at gamitin ang mga itinalagang parking area para hindi maapektuhan ang daloy ng mga sasakyan.
As of 7:00 AM, nasa 5,000 ang crowd estimate sa lugar.