Inalis na ng Bureau of Internal Revenue ang requirement na kumuha ng prior confirmatory ruling sa nominee transfers ng proprietary club shares na walang pagbabago sa beneficial ownership.
Ito ay matapos ilabas ng BIR ang Revenue Memorandum Circular No. 72-2026 na naglilinaw sa tax treatment ng naturang mga transaksyon.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, layunin ng bagong patakaran na gawing mas simple, mas mabilis, at mas episyente ang mga proseso ng ahensya.
Nilinaw ni Mendoza na ang paglilipat ng legal na titulo sa pagitan ng mga nominee, habang nananatiling korporasyon ang tunay na may-ari, ay hindi ituturing na bentahan, palitan, o donasyon.
Dahil dito, hindi ito papatawan ng Capital Gains Tax, Documentary Stamp Tax, at Donor’s Tax, basta’t natutugunan ang lahat ng itinakdang kondisyon.
Binigyang-diin ni Mendoza na mananatiling mahigpit ang tax compliance sa pamamagitan ng documentary requirements at post-audit verification. | ulat ni Rey Ferrer