Ikinalugod ni House Committee on Labor and Employment Chair at Cavite Representative Jolo Revilla ang pag-apruba sa ₱85 na umento sa arawang sweldo ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Revilla, matagal na dapat ipinatupad ang naturang adjustment lalo’t patuloy ang pagtaas ng cost of living.
Malaki aniya ang maitutulong nito upang mapabuti ang purchasing power ng mga Pilipino na makabili ng kanilang mga pangunahing pangangailangan
Bagamat magandang balita ito para sa mga nasa Metro Manila, binigyang-diin ng kongresista na hindi dapat malimitahan sa kalakhang Maynila ang dagdag-sahod.
Hinimok niya ang mga Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPB) na aprubahan na rin ang umento sa mga karatig-rehiyon tulad ng CALABARZON (Region 4-A) at Central Luzon (Region 3).
Umaasa si Revilla na kikilos na ang mga regional wage boards sa lalong madaling panahon habang patuloy naman ang Kongreso sa pagsusulong ng mga batas para sa patas na sweldo, financial resilience, at mas mabuting kalidad ng pamumuhay ng mga Pilipino.
Ibinahagi rin ng mambabatas na kahit kasalukuyang naka-recess (bakasyon) ang Kongreso, hindi tumitigil ang kanyang komite sa pagdinig sa 17 panukalang batas na naglalayong magpatupad ng ₱200 legislated daily wage increase sa buong bansa.