Natapos na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng tig-₱5,000 cash aid sa mahigit 1.827 milyong PUV driver at delivery rider na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, isinagawa ang payout mula Marso 17 hanggang Hunyo 30.
Umabot sa mahigit ₱9.139 bilyon ang naipamahaging ayuda sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
Pinakamarami sa mga benepisyaryo ang mga tricycle driver, kasunod ang mga delivery rider, jeepney driver, motorcycle taxi driver, at transport network vehicle service (TNVS) driver.
Mas mababa sa target na 2.4 milyon ang aktuwal na nakatanggap ng ayuda dahil ang ilan sa listahan ay hindi na aktibong PUV driver o wala na sa bansa.
Bahagi ang programa ng UPLIFT ng pamahalaan upang matulungan ang transport sector na naapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.