CHED
Umarangkada ang caravan ng Commission on Higher Education (CHED) at UniFAST para sa mga 4Ps student sa ilalim ng PBBM-GABAY ng Bayan Cluster Caravan sa Southern Luzon.
Layunin ng programa na maiugnay ang mga mag-aaral, magulang, at mga returning OFW sa mga oportunidad sa kolehiyo, kabilang ang Free Higher Education, Tertiary Education Subsidy (TES), at Tulong Dunong Program (TDP).
Ayon kay CHED at UniFAST Board Chairperson Shirley C. Agrupis, mahigit 2.6 milyon nang estudyante ang nakikinabang sa Free Higher Education Program, habang libo-libo rin ang tumatanggap ng iba pang financial assistance.
Kasabay nito, nag-alok ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno ng mga serbisyo sa edukasyon, pinansyal, at social support sa iisang venue.
Giit ni Agrupis, layunin ng programa na hindi lamang mabigyan ng pagkakataong makapag-aral ang kabataan, kundi matulungan din silang makatapos ng kolehiyo at makahanap ng disenteng trabaho para sa mas magandang kinabukasan.
Mula nang ilunsad ito noong unang bahagi ng taon, nakapagsagawa na ang CHED at UniFAST ng mga caravan sa Ilocos Region, Visayas, Mindanao, National Capital Region (NCR), at Southern Luzon.
Umabot na sa mahigit 14,800 ang mga benepisyaryo, habang mahigit 95,000 scholarship applications ang natanggap ng CHED.