Pinagplanuhan umano ng tatlong naarestong suspek ang pagdukot at pagpatay kay dating Abuyog, Leyte Vice Mayor James Bohol at sa anak nito.
Sa pulong-balitaan sa Kampo Crame, sinabi ni PNP Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) Director BGen. Edwin Balles na kusang umanong umamin ang tatlong suspek sa krimen.
Batay sa initial confession ng mga suspek, paulit-ulit umanong hinampas ng matigas na bagay, na pinaniniwalaang dumbbell, ang mga biktima bago sila pinagsasaksak.
Isa sa mga tinitingnang anggulo ng imbestigasyon ang umano’y pagkakautang ng isa sa mga suspek na may kaugnayan sa negosyo ng cooking oil.
Gayunman, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang eksaktong motibo sa krimen at kung bakit nadamay ang anak ng dating vice mayor.
Ayon pa kay Balles, nagpadala ng surrender feelers ang tatlong suspek bago tuluyang sumuko at maaresto sa Pasay City 10:00 PM kagabi.
Samantala, ikinokonsidera na rin ng PNP-AKG na case solved ang kaso matapos mahuli ang tatlong sangkot sa krimen.