Photo courtesy of Rep. Chel Diokno
Isinusulong ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ang pag amyenda sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Layon nitong palakasin ang pagpapatupad ng batas, kasunod ng malagim na pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, kung saan dalawang menor de edad ang nakakuha at nakagamit ng mga nakamamatay na armas.
Batay sa ulat ng pulisya, ginamit ng 14-anyos na suspek ang isang government-issued na Glock 17 service firearm na opisyal na nakatalaga sa kanyang tiyahin na isang pulis habang 15-anyos namang suspek ay gumamit ng isang .38-caliber revolver, na ang serial number ay nakarehistro sa isang security agency sa Cebu, kung saan dating nagtatrabaho ang kanyang lolo.
Ayon kay Diokno, bagamat komprehensibo ang batas may espasyo pa para patatagin ito at tugunan ang gaps.
Una nang inihain ni Diokno kasama sila Akbayan Reps. Percival Cendaña at Dadah Kiram Ismula, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao, ang House Resolution No. 1153, na naglalayong magsagawa ng congressional inquiry ukol sa pamamaril sa Tacloban upang repasuhin at patatagin ang mga patakaran sa kaligtasan sa loob ng paaralan, laban kontra bullying, pananagutan, at mga hakbang upang maiwasan ang karahasan sa mga eskwelahan.