Nagpapatuloy ang pagbaba ng antas ng tubig sa Angat Dam, batay sa obserbasyon ng PAGASA.
Ayon sa datos ng ahensya, nakapagtala ito ng 159.90 meters ngayong Miyerkules, July 1 — mas mababa ito kumpara sa 159.95 meters na naitala kahapon (June 30).
Ang Angat Dam ang pangunahing pinagmumulan ng tubig ng Metro Manila, na nagbibigay ng humigit-kumulang 90% ng water supply para sa mga kabahayan at establisimyento.
Ito rin ang nagsusuplay ng irigasyon sa mahigit 20,000 ektarya ng sakahan sa Bulacan at Pampanga, at nagbibigay ng karagdagang 200 megawatt ng kuryente sa Luzon Grid.
Pero ayon sa PAGASA, hindi pa dapat ikabahala ang kasalukuyang antas ng tubig sa dam.
Inaasahan ng ahensya na makakabawi ang water level ng Angat sa mga susunod na buwan dahil sa inaasahang pag-ulan.
“Ngayon po huwag po muna tayong mag-alala kasi makaka-recover pa po ’yang Angat kasi historically ang recovery po ng Angat is during July, August, September at lalo na po during amihan. Nagre-recover pa rin po ang Angat kapag October, kapag amihan season,” ani PAGASA Assistant Weather Services Chief Analiza Solis.