Maituturing na hindi makatarungan sa sambayanang Pilipino kung ipagkakait sa kanila ang pagkakataong marinig at makita ang mga ebidensyang ihaharap sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang mariing binigyang-diin ni Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V bago ang nakatakdang pagsisimula ng impeachment trial sa Senado sa darating na Lunes, Hulyo 6.
Ayon kay Ortega, ang pinakamahalaga sa ngayon ay mailahad sa publiko ang mga hawak na ebidensya at hayaang umusad ang legal na proseso.
Ipinaliwanag ng House leader na malinaw na nakasaad sa Saligang Batas na ang proseso ng impeachment ay idinisenyo upang tiyakin na ang mga akusasyon laban sa pinakamataas na opisyal ng bansa ay masusing sinusuri sa pamamagitan ng sapat na patunay at angkop na proseso (due process).
Binigyang-diin pa niya na, para sa kapakanan ng transparency, hindi dapat harangin ang paglilitis dahil karapatan ng bawat mamamayan na malaman ang buong katotohanan.