Pinaigting ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang monitoring nito sa iba’t ibang social media platforms matapos dumagsa ang libo-libong tao sa EDSA para sa isinagawang protest rally ng Iglesia ni Cristo.
Batay sa pagsusuri ng Threat Monitoring Center ng CICC, karamihan sa mga online engagement kaugnay ng aktibidad ay tungkol sa media coverage at mga traffic advisory.
Sinundan naman ito ng mga negatibong reaksyon mula sa publiko dahil sa matinding pagsisikip ng trapiko at pagsasara ng ilang kalsada na dulot ng biglaang pagtitipon.
Ayon sa CICC, nagpapatuloy ang kanilang 24/7 online surveillance para agad matukoy at matugunan ang posibleng maling impormasyon o disinformation kaugnay ng rally at sa usapin ng posibleng paghahain ng plunder case laban kay Senador Rodante Marcoleta.
Hinimok naman ng ahensya ang publiko na maging mapagmatyag at i-report ang anumang kahina-hinalang impormasyon sa pamamagitan ng Hotline 1326.