Pinasigla ng Department of Agrarian Reform (DAR) Region 8 ang pagsulong ng repormang agraryo sa lalawigan ng Eastern Samar matapos pamunuan ni Regional Director, Atty. Robert Anthony Yu ang malakihang pamamahagi ng mga indibidwal na titulo ng lupa (e-titles) sertipiko ng kondonasyon, at modernong makinaryang pansakahan nitong Lunes, Hunyo 29, 2026, sa Capitol Gym, Borongan City.
Ang naturang aktibidad ay bahagi ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) nga Partnership Against Hunger and Poverty Projects, na ilan sa mga proyektong binibigyang-priyoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang patibayin ang pagmamau-aro ng lupa ng Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs), wakasan ang kanilang pagkakautang at isulong ang inklusibong kaunlarang sa mga sakahan.
Sa ilalim ng pamamahagi ng e-titles, may kabuuang 143 titulo ang ipinagkaloob sa 132 ARBs na sumasaklaw sa 168 ektaryang lupain sa iba’t ibang munisipalidad ng Eastern Samar kabilang ang Balangkayan, Dolores, Giporlos, Lawaan, Llorente, Maydolong, Quinapondan, Salcedo, Sulat, Taft, at Borongan City.
Kasabay nito, pormal ding ipinamahagi ang 71 Certificates of Condonation with Release of Mortgage (CoCRoMs) para sa 53 benepisyaryo. Dahil dito, tuluyan nang binura ang kabuuang P805,012.00 na utang sa lupang agraryo na sumasakop sa 128 ektarya, na naglalayong palayain ang mga magsasaka sa pinansiyal na pasanin upang maituon ang kanilang kita sa pagpapalago ng kanilang kabuhayan.
Bukod sa lupa at pagbura ng utang, tinanggap naman ng Malico Agrarian Reform Farmers Association Inc. (MARFAI) mula sa bayan ng San Policarpo, ang isang 4-wheel drive tractor na may disc plow at rotary tiller na nagkakahalaga ng P1,500,000.00 upang mapataas ang produksyon at mapabilis ang kanilang pagsasaka sa pamamagitan ng modernisasyon.
Binigyang-diin ni RD Yu na ang hakbang na ito ay hindi lamang isang legal na proseso, kundi isang kongkretong patunay ng seryosong pangako ng pamahalaan na ibalik ang tunay na pagmamay-ari ng lupa sa mga magsasaka. Ang paglaya mula sa utang agraryo ang mitsa ng tunay na emansipasyon—ang simula ng pagkalas sa tanikala ng kahirapan at pagkaalipin sa sarili nilang lupang sinasaka.



