All-set na ang Embahada ng Pilipinas sa Canada para sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa nasabing bansa mula July 1 hanggang July 4.
Sa panayam ng programang Global Na Tayo, sinabi ni Philippine Ambassador to Canada Jose Victor Chan-Gonzaga na inaasahang magiging mabunga ang working visit ng Pangulong Marcos kung saan tatalakayin nila ni Canadian Prime Minister Mark Joseph Carney ang usapin ng economic at defense cooperation ng dalawang bansa.
Pinaka-inaabangang highlight nga ng nakatakdang bilateral meeting ng dalawang pinuno ang usapin sa pagsusulong ng renewable at clean energy kung saan sabay ding matatalakay ang nuclear energy expertise ng Canada.
Itinuturing din ni Gonzaga bilang isang milestone visit ang pagbisita ni Pangulong Marcos sa Canada dahil sa loob ng labing-isang taon ay may Pangulo ng Pilipinas na muling bumisita sa nasabing bansa.
Isa rin itong napakahalagang hakbang para sa Pilipinas lalo’t sa taong 2029 na rin ipagdiriwang ang ika-80 taon ng bilateral relations ng Pilipinas at Canada.