Naghain ng resolusyon ang Makabayan bloc kasama ang environmental groups na humihiling sa Kamara na imbestigahan ang illegal na pagpaso ng 235 na container sa bansa na naglalaman ng electronic at plastic waste mula sa Estador Unidos.
Sa ilalim ng House Resolution No. 1164, hinihingi ng grupo ang agarang pagsisiyasat “in aid of legislation” sa kargamento na naglalaman ng mga nakalalasong kemikal.
Ayon kay Kabataan Party-list Rep. Renee Co, base sa Basel Action Network, dumating ang mga kontrabando sa bansa noong March 2025 na naglalaman ng materyales na lead, mercury, cadmium, chromium, PCBs, beryllium at asbestos.
Aniya, ang naturang mga kemikal ay nagdudulot ng banta sa kalusugan ng mga mamamayan at kalikasan, at tahasang paglabag sa RA 6969 at sa mga obligasyon ng Pilipinas sa ilalim ng Basel Convention.
Pinuna rin ng party-list solon ang katwiran ng Bureau of Customs na hindi umano sila makakilos dahil sa isang desisyon ng korte na nagtuturing sa Subic Bay bilang hiwalay na “customs territory”.