Matapos ang mga malalaking infrastructure projects sa lungsod ng Maynila gaya ng mga makabagong eskwelahan, matataas at dekalidad na mga condominium, ospital, at iba pang imprastraktura, ay hindi maiwasang kabahan si Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Moreno na bagamat masinsinan ang pagbusisi sa mga bagong infra projects para matiyak ang kalidad ng mga ito, ay aminado ang alkalde na hindi niya magagarantya ang tikas ng nasabing mga pasilidad sa oras na tumama ang the Big One.
Aniya, tuloy-tuloy ang kanilang ginagawang integrity check sa mga buildings sa lungsod, mapapribado man o pampubliko o mapabago o lumang establisimyento para matiyak na ligtas ito.
Subalit ayon sa alkalde, tanging ang lumikha lamang ang siyang nakakaalam ng mangyayaring pinsala sa oras ng sakuna.
Kaya naman tiniyak ng punong lungsod na ginagawa ng gobyerno ang lahat para maiiwas ang publiko sa posibleng epekto nito.
Sa katunayan aniya, bunsod ng nangyaring malakas na lindol sa Mindanao ay buwan-buwan na ang earthquake simulation excercise ng lungsod bilang paghahanda sa the Big One.