Nilagdaan na ng Department of Agriculture (DA) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang isang Joint Memorandum Circular (JMC) na nagtatakda ng panuntunan para sa tax exemption ng mga agri warehouse sa bansa.
Pinangunahan nina DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. at DILG Secretary Jonvic Remulla ang isinagawang ceremonial signing sa tanggapan ng DA sa Quezon City.
Bahagi ito ng implementasyon ng Sagip Saka Act o Republic Act No. 11321, na layong i-exempt sa real property tax ang mga warehouse, gusali, at istrukturang ginagamit sa pag-iimbak ng farm inputs at outputs, basta’t hindi lalampas sa ₱3 milyon ang assessed value ng ari-arian.
Ayon kay Agriculture Sec. Francisco P. Tiu Laurel Jr., isang mahalagang hakbang ang JMC para mas masuportahan ang agri sector. Makatutulong umano ito para mabawasan ang post-harvest losses, at mapanatili ang kalidad ng mga produkto.
Dagdag pa ng kalihim, maaaring magamit ang matitipid mula sa tax exemption para sa pagbili ng mas dekalidad na agricultural inputs, modernong storage systems, at post-harvest facilities.
Sa panig naman ni DILG Sec. Remulla, iniutos na nito ang agarang pagpapakalat ng JMC sa LGUs sa bansa para mapakinabangan ng mga kuwalipikadong benepisyaryo ang incentive.