Photo courtesy of NFA Cagayan Valley
Planong gawin ng Department of Agriculture – National Food Authority (DA-NFA) na gawing magkasing halaga ang presyo sa pagbili ng basa at tuyong palay ng mga magsasaka sa Isabela.
Paliwanag ni DA-NFA Corporate Planning and Management Services Department Manager Mario Andrada, ito ang magiging resulta kapag natapos na ang ginagawang modernong Rice Processing Center sa San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Ayon pa kay Andrada, umabot sa mahigit ₱810 milyon ang halaga ng proyekto na mayroong apat na modernong Mechanical Grain Dryers, apat na Silo Storage at isang makabagong Rice Miller.
Sasagutin naman ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ang halagang ₱664 milyon (¥1.7 bilyon) na gastos para sa proyektong ito habang popondohan naman ng DA-NFA ang natitirang ₱146 milyon.
Samantala, ipadadala rin ng ahensya ang kanilang mga empleyado sa Japan upang sumailalim sa rice quality assessment training habang sa Thailand naman isasagawa ang pagsasanay tungkol sa mais at tamang pag-iimbak ng mga produkto.
Layon ng naturang proyekto na maiwasan ang pagkasayang ng bigas at mapataas pa ang dami at kalidad ng mga iniimbak na bigas na nabibili mula sa mga lokal na magsasaka matapos tanggihan ng mga dealer.
Samantala, may kapasidad ito na patuyuin ang 9,600 mga sako ng basang palay kada araw habang tiniyak naman ni Andrada ang nakapakong presyo ng mga bigas na bibilhin para sa mga relief operations.
Inaasahan makukumpleto na ang pagsasaayos ng mga makinarya sa nasabing pasilidad sa darating na Marso sa susunod na taon.
Plano rin ng ahensya na magtayo ng kaparehong pasilidad sa Jaro, Iloilo City, Iloilo at Digos City, Davao del Sur. Tutulong din ang JICA upang maging moderno ang laboratoryo ng DA-NFA sa Santiago at Cauayan, Isabela.