Magsasagawa ng pagsusuri ang Philippine National Police (PNP) upang matukoy kung nagkaroon ng “failure of intelligence” kaugnay ng isinagawang kilos-protesta ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC).
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Allen Rae Co, kabilang sa susuriin ang naging aksyon ng mga commander na nakatalaga sa ground sa panahon ng aktibidad.
Sinabi ni Co na mayroon silang impormasyon hinggil sa nakatakdang kilos-protesta ng INC, ngunit inamin niyang hindi nila ito nalaman nang maaga.
Nang tanungin naman kung nakaapekto ba sa naging sitwasyon ang pagiging kaanib ng INC ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director PMGen. Anthony Aberin, sinabi ni Co na buo ang tiwala ng PNP na gagampanan ni Aberin ang kanyang tungkulin bilang isang propesyonal na police officer.
Samantala, as of 1:45 PM ngayong July 1, 2026, nasa 4,500 ang bilang ng mga indibidwal na nakikibahagi sa rally ng INC sa EDSA.