Nilalayon ng National Food Authority (NFA) na gawing moderno ang mga pasilidad ng kanilang laboratoryo sa iba’t ibang rehiyon sa bansa upang mapalakas ang Product Quality Evaluation System (PQuEST) nito na makakatulong para sa mga magsasaka.
Ayon kay Dr. Mario G. Andrada, Department Manager for Corporate Planning and Management ng NFA, mayroon ng kabuoang pondo na P184.2 milyon para sa poyekto at ang P124.4 milyon nito ay mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) habang ang P59.8 milyon ay mula sa gobyerno ng Pilipinas.
Sinabi ni Dr. Andrada sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service na makatutulong ang modernisasyon ng kanilang mga pasilidad sa mga magsasaka dahil mas matitiyak na nito ang kanilang pagsusuri sa kalidad ng mga palay na ibinibenta nang naaayon sa local at international standards.
Dagdag pa ng opisyal, sa pamamagitan nito ay masisiguro ng mga magsasaka na hindi sila inaagrabyado ng mga mamimili dahil makikita nila na aktuwal na sinuri ang kanilang produkto gamit ang makabagong kagamitan.