Hindi dapat maging dahilan ang mga kilos-protesta kaugnay ng kaso ni Sen. Rodante Marcoleta upang maantala ang pagbubukas ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
Ito ang binigyang-diin ni House Trial Spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, na nagsabing magkahiwalay at magkaibang legal na usapin ang kaso ni Marcoleta at ang impeachment.
Ibig sabihin, wala umanong kinalaman ang kaso ng senador sa Articles of Impeachment na kasalukuyang nakahain sa Senado.
Nilinaw naman ni Adiong na iginagalang ng House Prosecution Panel ang karapatan ng bawat Pilipino sa mapayapang pagtitipon at pagpapahayag ng kanilang saloobin.
Matatandaang nag-ugat ang kilos-protesta kasunod ng anunsyo ng Office of the Ombudsman na maghahain ng kasong plunder o pandarambong laban kay Marcoleta.
Tiniyak naman ng mambabatas na nananatiling nakatuon ang House Prosecution Panel sa pagsunod sa direktiba ng Senate Impeachment Court para sa paglilitis.