Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestream
Itinuturong dahilan ng pagkakaantala sa pag-hire ng nasa 10,000 school counselor associates (SCAs), na nakaayon sa pagpapatupad ng Republic Act No. 12080 o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, ay ang nagpapatuloy na deliberasyon ng Civil Service Commission (CSC) kaugnay ng pag-apruba ng Qualification Standards (QS) para sa mga SCA.
Ito ang ibinahagi ni House Committee on Basic Education and Culture Chairperson Rep. Roman Romulo sa programang “Ang Pilipinas Ngayon” ng Radyo Pilipinas World Service, sa gitna pa rin ng mga usapin ukol sa mental well-being ng mga mag-aaral dito sa Pilipinas matapos ang nangyaring school shooting sa Tacloban City.
Ayon kay Rep. Romulo, dahil bago ang mga item para sa SCAs, ipinadaan muna ng Department of Education (DepEd) sa CSC ang pag-apruba para rito noon pang Nobyembre 2025.
Pagbibigay-diin ng mambabatas, malaki ang maitutulong ng pagkakaroon ng SCAs sa mga eskwelahan dahil sa iba’t ibang mental wellness challenges na pinagdadaanan ng mga kabataang Pilipino.
Inihalimbawa na rito ni Rep. Romulo ang mga sinasabing dahilan kung bakit nagawa ng isa sa mga children in conflict with the law (CICL) ang pamamaril sa Tacloban City, gaya ng bullying at exposure sa nihilistic violent extremism (NVE).
Umaasa ang chairperson ng House Committee on Basic Education and Culture na sa lalong madaling panahon ay magawa na ng CSC ang pag-apruba upang masimulan na rin ng DepEd ang hiring ng mga eksperto sa kalusugang pangkaisipan.