Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestream
Sa gitna ng balita na tataas na ng PhP85 ang daily minimum wage sa National Capital Region (NCR), patuloy na nananawagan ang isang organisasyon ng mga nagtatrabaho sa business process outsourcing (BPO) dito sa Pilipinas para sa tinatawag na “nakabubuhay” na sahod o daily minimum wage na aabot sa PhP1,200.
Sa programang “Ang Pilipinas Ngayon” ng Radyo Pilipinas World Service, binigyang-diin ni BPO Industry Employees’ Network (BIEN) Pilipinas Secretary-General Renso Bajala na kanila pa ring inilalaban ang pagkakaroon ng national minimum wage o pantay sa sahod sa lahat ng rehiyon dito sa bansa.
Ani Bajala, hindi sasapat ang karagdagang PhP85 sa daily minimum wage dahil tumataas pa rin ang presyo ng mga bilihin, may giyera man sa Middle East o wala.
Dagdag niya, tumataas ang inflation rates habang pa bumababa ang ating purchasing power kaya kahit na nagkaroon ng dagdag sahod, maaaring hindi pa rin nito mapunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng isang manggagawang Pilipino gaya ng pagkain.
Ayon pa kay Bajala, sa sahod din kinukuha ang pampaaral sa mga anak, kapatid, at iba pang miyembro ng pamilya ng ating mga manggagawa, nasa BPO sector man o hindi, kaya malaking bagay para sa kanila na magkaroon ng “nakabubuhay” na sahod.