Isiniwalat ni Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Chairperson Senadora Risa Hontiveros na posibleng may kaugnayan sa online extremist group na ‘764’ ang nangyaring pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Sa pagdinig ng Senado ngayong araw, ibinahagi ni Hontiveros na batay sa reports ng independent investigators, nakita ang Facebook profile na sinasabing pagmamay-ari ng isa sa mga suspek sa pamamaril na si alyas Nash.
Sa naturang profile, ayon sa senadora, nakita umano itong nakasuot ng KMFDM shirt, na kadalasang ginagamit ng mga miyembro ng ‘764.’
Ipinaliwanag ni Hontiveros na ang modus ng grupong ‘764’ ay maghanap ng mga vulnerable minor online at hikayatin ang mga ito na gumawa ng mga karumal-dumal na gawain.
Sa Canada, aniya, itinuturing nang terrorist group ang ‘764,’ habang sa United States (US), tinawag na ito ng Federal Bureau of Investigation (FBI) at Department of Justice (DOJ) bilang isang national security threat.
Nilinaw muli ng senadora na hindi niya isinusulong ang total ban sa mga online game. Aniya, ang kailangan ay tamang regulasyon upang matiyak na sapat ang gabay at proteksyon para sa mga kabataan online.
