Hustisya ang dapat mangibabaw at hindi pulitika sa napipintong pagdinig sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa Senado, na magsisimula na sa Lunes, Hulyo 6.
Ito ang binigyang-diin ni Fr. Joselito Sarabia, ang parish priest ng Ina ng Lupang Pangako Parish at isa sa mga tumatayong complainant, sa programang “Global Na Tayo” ng Radyo Pilipinas World Service.
Ayon kay Fr. Sarabia, dapat lamang na masunod ang mga panuntunan ng Senate Impeachment Court.
Ipinahayag din ng naturang pari ang kahalagahan ng paghahain ng reklamo upang itaguyod ang pananagutan sa batas.
Dagdag pa ni Fr. Sarabia, labis ang kanyang interes na makita ang mga ilalatag na ebidensya upang lumabas ang buong katotohanan at mawakasan na ang mga kumakalat na pekeng balita at mga kuwentong pilit na bumabago sa persepsyon ng publiko.
Samantala, hayagan ding sinuportahan ni Fr. Sarabia ang pagbubukas ng kontrobersyal na BIR Box ng Bise Presidente upang maging malinaw ang lahat sa taumbayan.
Iginiit ni Fr. Sarabia na ang tunay na hustisya ay dapat manaig at hindi kailanman dapat maimpluwensyahan ng politikal na interes o ng anumang grupo.