Photo courtesy of CHED Bicol
Pinagtibay ng Police Regional Office 5 (PRO 5), Department of Education (DepEd) Region 5, at Commission on Higher Education (CHED) Region 5 ang kanilang koordinasyon upang higit pang mapaigting ang seguridad sa mga paaralan sa isinagawang coordination meeting sa Camp BGen. Simeon Ola sa Legazpi City.
Tinalakay sa pulong ang kasalukuyang mga hakbang sa seguridad sa mga basic at higher education institution, gayundin ang mga plano at estratehiya upang mapalakas ang paghahanda at pagtugon sa ano mang banta sa kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at kawani ng mga paaralan.
Napag-usapan din ang mga programa at hakbang kaugnay ng mga nagdaang insidente sa mga paaralan, kabilang ang mga hamong kinakaharap ng PNP sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa loob ng mga educational institution sa rehiyon.
Ayon sa CHED Bicol, layunin ng inisyatiba, sa pakikipagtulungan ng DepEd at CHED, na matiyak na nananatiling ligtas ang bawat paaralan sa Bicol sa pamamagitan ng mas pinaigting na koordinasyon, pagbabantay, at pagpapalaganap ng kultura ng kahandaan at pag-iingat sa mga komunidad ng mga paaralan.