All systems go na ang latag ng seguridad ng Philippine National Police (PNP) para sa pagsisimula ng Impeachment Trial laban kay Vice President Sara Duterte sa Lunes, July 6.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame, sinabi ni PNP Acting Spokesperson, PCol. Allen Rae Co, na mayroon nang security template silang sinusunod habang pinaiigting ang intelligence monitoring para tiyakin ang kaayusan.
Ngayong hapon ani Co, magsasagawa ang PNP ng final coordinating conference kasama ang iba’t ibang police units upang plantsahin ang huling detalye ng security plan.
Aabot sa 6,000 police personnel ang nakatakdang i-deploy sa paligid ng Senado para sa seguridad ng lugar gayundin ang mga dadalo sa pagdinig.
Sa ngayon, wala pang natatanggap na special request ang PNP para sa deployment ng mga pulis sa loob mismo ng Senado.
Samantala, nananatili sa heightened alert ang status ng PNP habang pag-aaralan pa sa Lunes kung kinakailangan itong itaas sa mas mataas na alert level depende sa sitwasyon.