Pormal nang nagsara ang “organizational stage” ng paglilitis sa impeachment trial ni Vice President at sa simula Lune, Hulyo 6 ng makasaysayang trial proper.
Matapos ang limang sunod-sunod na sesyon mula noong Hunyo 18 hanggang Hunyo 25, nakumpleto ng Clerk of Court ang pagmamarka at pagsusuri sa mga dokumentaryong ebidensya mula sa House prosecution panel at sa defense team ng Bise Presidente.
Ayon kay Senate Secretary at Clerk of the Impeachment Court Renato Bantug Jr., nagtrabaho ang mga tauhan ng korte upang agarang mabuo ang Pre-Trial Order. Ang dokumentong ito ang magsisbing pangunahing gabay at “roadmap” kung paano tatakbo ang buong proseso ng paglilitis.
Paano Nakarating ang Kaso sa Senado?
Nagsimula ang proseso ng impeachment sa Kamara (House of Representatives), na siyang nag-apruba sa mga Articles of Impeachment laban kay Duterte noong Mayo 11 bago ito pormal na ipinadala sa Senado noong Mayo 14. Noong Mayo 18, pormal na nagtipon ang Senado bilang isang impeachment court.
Nanumpa ang mga dumalong senador bilang mga senator-judge bago naglabas ang korte ng writ of summons na nag-aatas kay Duterte na sagutin ang mga akusasyon sa loob ng panahong itinatakda sa ilalim ng mga patakaran ng Senado. Ang noo’y Senate President na si Alan Peter Cayetano, na siyang namumuno sa korte, ay nagbigay rin ng awtoridad sa Clerk of Court na i-iskedyul ang kaso para sa pre-trial matapos makumpleto ng magkabilang panig ang kani-kanilang mga testimonya at tugon (pleadings).
Bakit Nagkaroon ng Pre-Trial?
Sa ilalim ng mga patakaran sa impeachment ng Senado, layunin ng pre-trial na pasimplehin ang mga pamamaraan bago magsimula ang mismong paglilitis (trial proper).
Sa halip na agad isalang ang mga testigo, tinutukoy at minamarkahan muna ng prosekusyon at depensa ang mga dokumentaryong ebidensya, inilalahad ang mga testigong balak nilang iharap, pinag-uusapan ang mga katotohanang hindi na pinagtatalunan, at inaayos ang mga isyung pang-prosedura.
Ayon kay Bantug, ang pagtatapos ng prosesong ito ay nagbibigay-daan na sa korte para ihanda ang Pre-Trial Order. Tiniyak niya na bagamat hindi pa nakakapagsimula sa pagsusulat, tatapusin ito ng mga tauhan ng korte sa lalong madaling panahon, kahit pa kailanganin nilang magtrabaho sa katapusan ng linggo.
Ano ang Mangyayari sa Trial Proper?
Nakatakdang magsimula ang mismong paglilitis ng impeachment sa Hulyo 6. Inaasahang maghaharap ng kanilang pambungad na pahayag (opening statement) ang prosecution panel ng Kamara, na pinamumunuan ni Batangas Rep. Gerville Luistro, bago magtawag ng mga testigo at magpresenta ng mga dokumento upang patunayan ang bawat Article of Impeachment.
Matapos tapusin ng prosekusyon ang paghaharap ng kanilang kaso, ang defense team naman ni Duterte, sa pangunguna ng kanilang lead counsel na si Sheila Sison, ang magpapakita ng kanilang sariling mga testigo at ebidensya.
Sa ilalim ng mga patakaran, ang mga senator-judge ay hindi direktang nagtatanong o nagsusuri sa mga testigo habang nakasalang. Sa halip, nagpapasa sila ng mga nakasulat na katanungan sa pamamagitan ng Presiding Officer.
Paano Magpapasya ang Senado?
Matapos ang argumento ng magkabilang panig, magkakaroon ng deliberasyon at pormal na botohan para sa bawat Article of Impeachment. Base sa Artikulo XI, Seksyon 3(6) ng 1987 Konstitusyon, kailangan ng two-thirds (2/3) na boto ng buong Senado para ma-convict ang isang opisyal. Sa kasalukuyang 24 na senador, nangangahulugang kailangan ng hindi bababa sa 16 na boto para mapatalsik si Duterte.
- Kung Convicted: Agad siyang matatanggal sa pwesto bilang Bise Presidente at maaaring patawan ng habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anomang katungkulan sa pamahalaan.
- Kung Acquitted: Mananatili siyang Bise Presidente ng Pilipinas.
Nilinaw naman sa batas na ang desisyon ng Senado ay limitado lamang sa pagpapatalsik at diskwalipikasyon sa serbisyo pampubliko. Kung may matitira mang pananagutang kriminal o sibil, maaari pa rin itong isampa at litisin sa mga regular na korte pagkatapos ng prosesong ito. | PBS Digital at PNA