OSCA Muntinlupa City
Muling nagbabalik ang libreng sine para sa mga senior citizen sa Muntinlupa City simula sa susunod na linggo, July 6.
Itoy matapos na lumagda sa kasunduan ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa City at 3 cinema operators sa lungsod.
Ayon kay Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon, libreng makakanood ng pelikula ang mga senior citizen sa SM Center Muntinlupa Cinema , Festival Mall Cinema at Alabang Town Center Cinema tuwing Lunes o Martes, isang beses kada linggo.
Hanggang 4 na pelikula lamang kada buwan ang kanilang maaring panoorin maliban lamang sa mga premier nights, MMDA , VIP shows o live events.
Para makapag-avail ng libreng sine ay kinakailangan lamang magpresenta ng alinmang ID na magpapatunay na senior citizen at residente ng Muntinlupa City sa OSCA staff sa cinema booth at kumuha ng stub.
Binigyang diin ni Biazon ang kahalagahan sa mga senior citizen ng libangan, social engagement, at mental stimulation na nakatutulong din na mapalakas ang industriya ng pelikula at bonding ng pamilya. | ulat ni Louisa Erispe