Nakikita ng Commission on Elections (Comelec) na ang pagkalat ng fake news at disinformation ang pinakamalaking hamon sa nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections sa Setyembre 14.
Sa Media Orientation on the Bangsamoro Peace Process, Bangsamoro Electoral Code, at Media Safety sa Pasig City, sinabi ni Comelec Spokesperson Director John Rex Laudiangco na patuloy na lumalaban ang komisyon laban sa maling impormasyon tungkol sa proseso ng halalan.
Kabilang dito ang mga maling pahayag na kailangan ng National ID para makaboto, may bayad umano ang voter registration, at marami pang iba. Ayon sa Comelec, mayroon na ring mga kasong isinampa laban sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon.
Dagdag ni Laudiangco, habang lalo pang pinatitibay ng komisyon ang automated election system, lumilipat naman ang tangkang manipulasyon sa pagpapakalat ng disinformation sa social media kaya naman patuloy nitong pinalalakas ang pakikipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno at mga social media platform tulad ng Meta at TikTok upang mapabilis ang pagpapatanggal ng mapanlinlang na content at mapanatili ang digital evidence laban sa mga nagpapakalat ng mali at malisyosong impormasyon para sa pangangalaga ng integridad ng halalan.