Nananatiling nasa Alert Level 1 ang Bulkang Bulusan matapos makapagtala ng 20 volcanic earthquake sa nakalipas na 24 oras, ayon sa pinakahuling bulletin ng PHIVOLCS ngayong Hulyo 5.
Batay sa monitoring, nakapagtala rin ang bulkan ng 50 metrong taas ng steam plume na may katamtamang pagsingaw at tinangay ng hangin patungong hilagang-silangan.
Naitala rin ang sulfur dioxide (SO₂) emission na 138 tonelada kada araw, batay sa huling pagsukat noong Hunyo 26. Patuloy ding naobserbahan ang panandaliang pamamaga (inflation) ng bulkan, na indikasyon ng patuloy na paggalaw ng magma sa ilalim nito.
Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ng PHIVOLCS ang pagpasok sa loob ng 4-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at ang walang pag-iingat na pagpasok sa 2-kilometrong Extended Danger Zone (EDZ) sa timog-silangang bahagi ng bulkan.
Pinapayuhan din ang mga piloto na iwasang lumipad malapit sa tuktok ng Bulusan dahil sa posibilidad ng biglaang phreatic o steam-driven explosions.
Patuloy namang binabantayan ng PHIVOLCS ang kalagayan ng Bulkang Bulusan, at pinapayuhan ang publiko at mga lokal na pamahalaan na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.