Patuloy na nagpapakita ng mataas na antas ng aktibidad ang Bulkang Mayon matapos makapagtala ng pagdaloy ng lava at limang volcanic earthquake sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong Hulyo 5.
Batay sa pinakahuling bulletin ng PHIVOLCS, umabot sa 3.8 kilometro ang haba ng lava flow sa Basud Gully, 3.2 kilometro sa Bonga Gully, at 2.1 kilometro sa Mi-isi Gully. Naitala rin ang 250 rockfall events, isang pyroclastic density current (PDC) o uson, at patuloy na nakikita ang crater glow o banaag sa bunganga ng bulkan.
Nagbuga rin ang Mayon ng 2,065 tonelada ng sulfur dioxide kada araw, habang umabot sa 750 metro ang taas ng steam plume na tinangay ng hangin patungong kanluran-timog-kanluran. Patuloy ding namamaga ang hilagang-silangang bahagi ng bulkan, na indikasyon ng pag-akyat ng magma sa ilalim nito.
Dahil dito, nananatiling umiiral ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon. Mahigpit na ipinagbabawal ng PHIVOLCS ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ), at pinapayuhan ang mga komunidad na manatiling alerto sa banta ng pagguho ng bato, pag-agos ng lava, uson, at lahar, lalo na kapag may malalakas na pag-ulan.