Opisyal nang inilunsad ng Philippine Red Cross (PRC) ang nationwide Red Cross 143 (RC143) Volunteer Training Blitz bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month.
Ayon kay PRC Chairman at CEO Richard Gordon, sasailalim sa dalawang-araw na masinsinang pagsasanay sa PRC Logistics and Multipurpose Center sa Mandaluyong City ang mga volunteer leader mula sa 17 rehiyon sa bansa.
Layunin ng programa na gawing accredited instructors ang mga kalahok upang makapagsanay pa ng mas maraming boluntaryo sa kani-kanilang komunidad.
Sinabi ni Gordon na ang tunay na kahandaan sa sakuna ay nagsisimula sa barangay, kung saan nagsisilbing mga mata, tainga, at kamay ng organisasyon ang mga RC143 volunteer.
Magpapatuloy ang apat na batch ng pagsasanay hanggang sa katapusan ng Hulyo bilang bahagi ng pagpapalakas ng kahandaan sa sakuna sa buong bansa.