Courtesy of DENR-MGB
Nagbabala ang DENR–Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa posibleng pagguho ng lupa at pagbaha sa 1,396 barangay dahil sa banta ng Super Typhoon Bavi, na may lokal na pangalang Pre-Inday.
Batay ito sa tatlong-araw na rainfall forecast ng PAGASA at sa geohazard maps ng DENR-MGB.
Pinayuhan ang publiko na bantayan ang pagtaas ng tubig, lalo na sa mga ilog, dalisdis, at iba pang mabababang lugar.
Dapat ding agad na iulat ang anumang senyales ng paggalaw ng lupa, biglaang pagbaha, o pagputik ng tubig.
Pinapayuhan din ang mga residente na ipagbigay-alam sa kanilang barangay kung may mga bitak sa bahay o nakatagilid na poste at sahig.
Hinihikayat ang publiko na manatiling alerto, sundin ang mga abiso ng lokal na pamahalaan, at maghanda sa posibleng paglikas kung kinakailangan.
Batay sa pinakahuling ulat ng PAGASA kaninang alas-3:00 ng madaling araw, namataan ang Super Typhoon Bavi sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Huling namataan ang sentro nito sa layong 2,700 kilometro silangan ng Eastern Visayas. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 195 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 240 kilometro kada oras. Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.