Arestado ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean na wanted sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga matapos ang pinagsanib na operasyon ng mga awtoridad sa Clark Freeport, Pampanga.
Kinilala ang suspek na si Kim Soo, 41 anyos, na dinakip noong Hunyo 28 ng Bureau of Immigration Fugitive Search Unit sa pakikipagtulungan ng Philippine Air Force, Clark Development Corporation, at South Korean authorities.
Ayon sa BI, wanted si Kim ng Cheongju District Court sa South Korea dahil sa umano’y paglabag sa kanilang Narcotics Control Act. Iniuugnay rin siya sa operasyon ng bentahan ng ilegal na droga sa pamamagitan ng Telegram, kung saan cryptocurrency ang ginagamit na pambayad. Mayroon din siyang aktibong Interpol Red Notice.
Batay sa rekord ng BI, dumating si Kim sa Pilipinas noong Abril 2022 bilang temporary visitor ngunit nabigong iayos ang kanyang immigration status, dahilan upang maituring siyang overstaying alien at mailagay sa blacklist at watchlist ng ahensya.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng ahensya si Kim habang isinasailalim sa deportation proceedings. Ayon sa BI, bahagi ang operasyon sa pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa transnational crime upang matiyak na hindi nagiging kanlungan ng mga dayuhang pugante ang Pilipinas.