Nagpulong ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang talakayin ang paghihigpit ng seguridad sa mga hangganan ng Pilipinas matapos maharang sa Thailand at Laos ang malalaking shipment ng ilegal na droga na ipupuslit sana sa bansa.
Pinangunahan ng Philippine Center on Transnational Crime (PCTC) ang pulong kasama ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), PNP Aviation Security Group at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Tinalakay sa pulong ang mga impormasyong may kaugnayan sa insidente at ang pagtukoy sa mga potensyal na banta upang makabuo ng mga estratehiko at maagap na hakbang laban sa mga kahalintulad na aktibidad.
Ayon kay PAOCC Executive Director USec. Benjamin Acorda Jr., napag-usapan din ang pagpapaigting ng ugnayan ng mga ahensiya ng pamahalaan sa kanilang mga katapat na ahensiya sa ibang bansa.
Tinukoy rin ang mga posibleng ugnayan ng mga naharang na shipment ng droga sa mga lokal na sindikato ng droga at ang pagpapalakas ng border security sa pamamagitan ng pagbabahagi ng impormasyon.
Kabilang dito ang immigration status, travel history at cross-border movements ng ilang grupo o indibidwal.