Pinaigting pa ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang kampaniya kontra iligal na pangingisda sa iba’t ibang panig ng bansa.
Alinsunod na rin ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangalagaan ang mga yamang dagat habang kanila ring pinaiigting ang PNP Focused Agenda sa pamamamagitan ng Enhanced Managing Police Operatios.
Ayon sa PNP, ikinasa ang magkakahiwalay na operasyon mula July 4 hanggang July 5 na nagresulta sa 29 na arestado habang mahigit ₱10 milyong pisong halaga ng mga kagamitan sa pangingisda ang nasabat.
Kabilang sa mga lugar kung saan ikinasa ang operasyon ay sa Daanbantayan sa Cebu, Orion sa Bataan, Concepcion sa Iloilo at sa Zamboanga City.
Ayon kay PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng batas laban sa iligal na pangingisda, dahil ang mga karagatan ay hindi lamang likas na yaman kundi kabuhayan din ng napakaraming Pilipino.
Gagawin nila ang pagpapatupad ng batas nang may integridad, paggalang sa batas at sa karapatan ng bawat isa dahil hindi lamang nila layuning papanagutin ang mga lumabag kundi pangalagaan ang mga karagatan para sa susunod na henerasyon.

