Photo courtesy of BINI_ph
Isang panibagong milestone para sa Nation’s Girl Group na BINI matapos silang italaga ng Department of Tourism (DOT) bilang kauna-unahang P-pop group na magsisilbing tourism ambassadors.

Isinagawa ang pormal na anunsyo sa DOT Central Office sa Makati City noong July 3, kung saan dumalo ang walong miyembro ng BINI, Star Magic Head na si Direk Lauren Dyogi, DOT Secretary Dita Angara-Mathay, at ilang BLOOMs na nagpakita ng mainit na suporta sa grupo.
Ayon sa DOT, bawat miyembro ng BINI ay kumakatawan sa iba’t ibang lungsod at lalawigan, na sumasalamin sa iba’t ibang kultura at kuwento ng Pilipinas. Naniniwala ang ahensya na angkop ang grupo bilang kaakibat ng layunin nitong ipakita ang pagkakaiba-iba at yaman ng mga destinasyon sa bansa.
Nang tanungin kung ano ang magiging papel ng BINI bilang tourism ambassadors, sinabi ni Secretary Dita Angara-Mathay na hindi nila didiktahan ang grupo.
“We’re not going to dictate. We just wanted to do what they are doing because actually that’s, for me, a very honest approach,” ayon sa kalihim.
Dagdag pa ng ahensya, inaasahan ding mag-aanunsyo pa sila ng iba pang ambassadors bilang bahagi ng mas pinalawak na kampanya para sa turismo ng Pilipinas.
Ayon kina DOT Secretary Dita Angara-Mathay at Assistant Secretary Ren Sapitan, nasa proseso pa lamang ng pakikipag-ugnayan ang ahensya sa iba pang mga personalidad. Kabilang sa mga posibleng hirangin ang P-pop group na SB19 at ang Filipina tennis star na si Alex Eala.
Binubuo ang BINI nina Jhoanna, Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, at Sheena, na patuloy na nagdadala ng world-class performances at nagpapalawak ng kanilang fanbase sa Pilipinas at sa iba’t ibang panig ng mundo.
1 thought on “BINI, hinirang bilang tourism ambassadors ng Pilipinas”