Photo courtesy of SB19
May bagong P-Pop team-up na dapat abangan! Ito ay matapos ibahagi ng dalawang P-Pop group na BINI at SB19 ang kanilang mga larawan na magkasama sa Rohnert Park sa California, USA na agad namang ikinatuwa at pinag-usapan ng fans.
Sa social media post naman ng BINI, nagpahiwatig ang Nation’s P-Pop Girl Group ng posibleng content collaboration kasama ang Kings of P-Pop.
“Looks like we’ve got something on the frequency… Stay tuned!” saad ng BINI sa caption nito.
Samu’t saring reaksyon ang bumuhos sa social media matapos magsama sa isang frame ang dalawang P-Pop powerhouse, habang marami rin ang natuwa at napaabang sa maaaring pagsasamahang content ng dalawang grupo.

Nagpakita rin ng suporta sina Justin, Josh, at Stell ng SB19 matapos dumalo sa katatapos lamang na California leg ng “BINI: Signals World Tour.”
Inaabangan din ng mga Blooms at A’TIN ang dalawang grupo sa Japan sa sumusunod na petsa para sa Summer Sonic 2026:
BINI – August 14, 2026 sa Osaka; August 16, 2026 sa Tokyo
SB19 – August 14, 2026 sa Osaka; August 15, 2026 sa Tokyo
Matatandaang itinalaga ng Department of Tourism bilang Philippine Tourism Ambassadors ang BINI at SB19, na patuloy na kumakatawan sa Pilipinas sa international stages na may misyong ipakita sa buong mundo ang kanilang talento bilang mga Pilipino.