Mas paiigtingin ng Department of Tourism (DOT) ang pag-promote nito sa Pilipinas sa buong mundo matapos italaga ang P-Pop group na SB19 bilang pinakabagong Tourism Ambassadors ng bansa.
Kinilala ng DOT ang SB19 bilang isa sa pinakamahusay na kinatawan ng kulturang Pilipino dahil sa kanilang lumalawak na impluwensya sa United States, Europe, ASEAN, at iba pang bahagi ng mundo.
Layunin ng grupo na hikayatin ang kanilang pandaigdigang fanbase na A’TIN na bumisita sa Pilipinas at maranasan ang kultura at mga atraksyon ng bansa.
Kasabay ng kanilang bagong tungkulin, nakatakdang gumawa ng kasaysayan ang SB19 bilang unang Filipino act na magtatanghal sa Lollapalooza Music Festival sa Chicago sa July 30.
Sila rin ang magiging unang grupong Pilipino na maghahagis ng ceremonial first pitch sa isang Major League Baseball game bago ang laban ng Chicago White Sox at New York Yankees sa July 29.
Dagdag pa ng ahensya, magsasagawa pa ito, kasama ang SB19, ng mga susunod na kampanya at aktibidad upang higit pang maipakilala ang turismo, kultura, at galing ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado.
Bago ang SB19, itinalaga rin ng DOT ang P-Pop girl group na BINI bilang Tourism Ambassadors ng Pilipinas.
Binubuo ang SB19 nina Pablo, Josh, Stell, Ken, at Justin.