Mas pinalalakas ng Pilipinas at Panama ang kanilang bilateral na ugnayan matapos ang makasaysayang pagbisita sa bansa ni Panamanian Foreign Minister Javier Eduardo Martínez-Acha Vásquez, na naglalayong palawakin ang kooperasyon sa larangan ng maritime, edukasyon, kalakalan, at connectivity sa pagitan ng Indo-Pacific at Latin America.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro, ang pagbisita ng opisyal ang kauna-unahang high-level visit mula sa Panama sa loob ng ilang dekada, na nagpapakita ng lumalalim na ugnayan ng dalawang bansa.
Binigyang-diin din ang pagpapalawak ng kooperasyon sa maritime education, training, at capacity building, kung saan kinikilala ang Panama bilang may pinakamalaking ship registry sa mundo at ang Pilipinas bilang pangunahing pinagmumulan ng mga bihasang maritime professionals.
Nilagdaan din ng dalawang bansa ang isang Memorandum of Understanding on Academic Cooperation upang palakasin ang human capital development, pagpapalitan ng kaalaman, at people-to-people exchanges.
Iginiit din ng Pilipinas at Panama ang kanilang suporta sa isang rules-based international order, paggalang sa international law, at sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Nanindigan din ang dalawang bansa na higit pang palakasin ang ugnayan ng ASEAN at Latin America upang isulong ang mas malawak na kooperasyon, kalakalan, at pagtugon sa mga hamong kinakaharap ng rehiyon at ng pandaigdigang komunidad.
📸 Panama’s Foreign Ministry