Ipinatupad nitong Sabado, Hulyo 25, ang unang bugso ng dagdag sahod: ₱85 na umento sa minimum wage na hinati sa dalawang yugto. Sa unang tranche, ₱60 kada araw ang idinagdag; ang natitirang ₱25 ay susunod sa Enero 20, 2027.
Tinatayang 1.1 milyong minimum wage earners ang makikinabang. Ang mga non-agricultural workers na dating kumikita ng ₱695 ay tataas sa ₱780, habang ang agricultural workers ay mula ₱685 magiging ₱743.
Ngunit sapat ba ito laban sa inflation?
Sa programang Diskarteng Wais sa Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni financial analyst Jonathan Ravelas na “Parang bitin ang ₱85 na yan.” Giit niya, kailangan ang mas mataas na adjustment, ngunit dapat ding timbangin kung kaya ng mga negosyo.
Ang pangamba ng mga ekonomista ay ang tinatawag na second round effects, kapag ang pagtaas ng sahod ay lalo pang nagpapalala ng inflation, lalo na sa gitna ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan at pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Ravelas, kailangang madinig ng mga Pilipino kung paano matutugunan ang hamon ng inflation sa state of the nation address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Anong mga pamamaraan yan? Yan ang kailangan natin marinig bukas sa ating Pangulo. Paano natin ia-address itong inflation?,” ani Ravelas.
Dagdag hamon: paano makakaangkop ang maliliit na negosyo?
Paalala ni Ravelas, noong pandemya ay nakatulong ang mga probisyon ng Bayanihan 1 at 2, gaya ng extension ng net operating losses. Ito’y nagsilbing proteksyon sa mga kumpanyang lugi. Ngayon, muling kailangan ang suporta para sa micro, small, at medium enterprises (MSMEs), ang mga nasa grassroots na siyang nag-eempleyo ng tao.
Hiling ng mga eksperto, malinaw na plano mula sa pamahalaan kung paano haharapin ang inflation, at konkretong tulong para sa maliliit na negosyo upang manatiling bukas ang kanilang mga pinto.