Tumaas ng 2.92 metro ang lebel ng tubig sa Angat Dam sa loob ng 24 oras. Mula sa 158.89 metro kahapon, umabot na sa 161.81 metro ang water level bandang 8:00 AM ngayong araw.
Samantala, pinalakas pa ang pagpapakawala ng tubig sa Ambuklao at Binga dams, na kapwa nakapagtala rin ng pagtaas ng water level. Umabot sa 752 metro ang water level sa Ambuklao Dam, habang 575 metro naman sa Binga Dam.
Batay sa datos, walong gate ng Ambuklao Dam ang bukas, na may kabuuang 14 metro na gate opening, habang anim na gate naman sa Binga Dam ang bukas, na may kabuuang 15 metro na gate opening.
Naitala rin ang pagtaas ng water level sa San Roque, Ipo, Magat, Pantabangan, La Mesa, at Caliraya dams. Sa kabila nito, nananatiling nasa ibaba ng normal high-water level ang Angat, San Roque, Pantabangan, at Magat dams, batay sa 8:00 AM data ng PAGASA.