Nilinaw ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA ang mga patakaran sa paggamit ng OFW Lounge sa NAIA matapos makatanggap ng mga puna at karanasan mula sa mga umuwing overseas Filipino workers o OFWs.
Ayon sa OWWA, maaaring gumamit ng OFW Lounge ang mga pauwing OFW na may kumpirmadong domestic connecting flight sa loob ng 24 oras mula sa kanilang pagdating sa bansa. Gayunman, nananatili ang maximum na anim na oras na pananatili sa bawat pagbisita upang mabigyan ng pagkakataon ang mas maraming OFW na makinabang sa pasilidad.
Personal ding bumisita si OWWA Administrator Patricia Yvonne “PY” Caunan sa OFW Lounge sa NAIA Terminal 3 upang suriin ang operasyon at makinig sa mga hinaing ng mga manggagawa. Maaari namang pahabain ang pananatili kung may espesyal na pangangailangan tulad ng medical condition, senior citizen status, o kapansanan, depende sa kapasidad ng lounge.
Tinatayang nasa 4,000 hanggang 6,000 OFW ang dumaraan sa NAIA araw-araw, habang limitado lamang sa 216 ang seating capacity ng lounge sa Terminal 3 at 140 naman sa Terminal 1. Upang maiwasan ang siksikan, gumagamit ang OWWA ng real-time monitoring system at waiting system kapag puno ang pasilidad. Sinabi ng OWWA na patuloy nitong pag-aaralan at pag-iibayuhin ang serbisyo sa OFW Lounge, kabilang ang pakikipag-ugnayan sa New NAIA Infra Corp., upang mas mapabuti ang karanasan ng mga OFW sa kanilang pag-uwi sa bansa.