Bukas ang Palasyo na magkaroon ng pakikipag-ugnayan sa mga watchdog na masusing nagbabantay sa binabalangkas na pambansang budget para sa susunod na taon.
Sa gitna na din ito ng red flags na umano ay nadiskubre ng People’s Budget Coalition at iba pang budget watchdogs na pinaghihinalaang “pork barrel” sa panukalang ₱7.2-trilyong 2027 national budget.
Panawagan ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa mga nagbabantay ng pambansang budget, na mabigyan sila ng kopya ng nadiskubre ng watchdogs na mga kuwestiyonbleng naipasok sa pondo para sa susunod na taon.
Ipararating aniya nila ito kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. habang kinikilala aniya nilang importante ang mga tagapagbantay ng pondo na handang pakinggan mismo ng Punong Ehekutibo.
Sa harap nito ay matibay aniya ang paninindigan ng Pangulo na ang pondo ng bayan ay hindi dapat inaabuso, ito ay para sa bayan at hindi sa bulsa ng sino man.